Tuesday, July 24, 2012

Pangatlong SONA ng Pangulo mas umani ng papuri kumpara noong 2011


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 24 (PIA) – Kahit naging mas mahaba ang naging talumpati ng Pangulo sa kanyang pangatlong State of the Nation Address (SONA) kahapon na umabot sa isa’t kalahating oras kumpara sa kanyang SONA noong 2011, tinutukan pa rin ito ng mga Sorsoganon hanggang sa matapos ito.

Taliwas sa naging reaksyon sa SONA ng Pangulo noong nakaraang taon, kung saan hati ang reaksyon ng mga Sorsoganon, mas marami ang natuwa at naghayag ng pagpuri ngayon sa talumpati ng Pangulo na tinagurian niyang “Ulat kay Boss” ukol sa kasalukuyang kalagayan ng bansa ngayon.

Hindi naitatwa ng ilang mga nanood ang pagsang-ayon sa ilang mga nagawa ng pamahalaan at sinabing mas naramdaman ng mga Sorsoganon ngayon sa iallim ng kasalukuyang administrasyon ang pagtulong sa mga mahihirap na mabawasan ang mga pasanin nito tulad ng pagbibigay ng Conditional Cash Transfer, mga benepisyong pangkalusugan tulad ng pag-eenrol sa Philhealth kasama na rin ang mga benepisyong pang-edukasyon.

Kumbinsido din ang ilan sa iniulat na paglago ng ekonomiya at sa mga balak pa ng Pangulo para sa susunod na taon at bago siya bumaba sa pwesto.

Ayon naman sa iilan, masyado umanong mataas ang panaginip ng Pangulo ukol sa modernisasyon ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, subalit naging bukas pa rin ang mga ito sa posibilidad ng realisasyon nito sabay sa pagsasabing walang masamang mangarap at sinusugan din ng mga ito ang linya ng Pangulo na “Maaring gawing posible ang imposible” .

Samantala, naging tahimik at mapayapa naman ang lalawigan ng Sorsogon buong araw kahapon at maliban sa ilang mga placard na iniwan sa may bahagi ng Alice Bridge sa Magsaysay St, Sorsogon City ay halos walang gaanong nakitang mga militanteng grupong nagmartsa kaugnay ng ginawang SONA ng Pangulo kahapon.

Binatikos din ng ilan ang naging kaganapan sa Commonwealth Avenue kahapon kung saan nagkaroon ng girian sa pagitan ng PNP at raliyista. Anila’y hindi dapat na nagiging marahas ang pagpapahayag ng mga sentimyento, bagkus ay gawin ito sa mahinahong paraan lalo na’t hindi kaaway ang pamahalaan kundi katuwang ng bawat isa sa pag-abot ng kaunlarang minimithi. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: