Tuesday, July 24, 2012

Target na koleksyon sa buwis noong 2011 naabot ng Bicol region


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 24 (PIA) – Ipinagmalaki ni Bureau of Local Government and Finance (BLGF) OIC Regional Director Florencio Dino II ang magandang pagganap ng mga lokal na pamahalaan, ingat-yaman at assessor sa buong rehiyon ng Bikol dahilan upang makuha nito ang 100.4% na revenue collection target noong 2011.

Sa ulat ni Dino, umabot sa P2,471,500.00 ang naging kabuuang koleksyon ng buwis ng Region V noong nakaraang taon, mataas kumapara sa target nitong P2,461,500.

Ayon kay Dino, mayroon umanong apat na kategorya ang tax revenue collection na kinabibilangan ng Real Property Tax o mga buwis na may kinalaman sa lupa at ari-arian; Business Tax o mga buwis na may kinalaman sa negosyo; Fees and Charges o yaong mga buwis mula sa direktang kita ng lokal na pamahalaan tulad ng mayor’s permit, community tax at iba pa; at Economic Enterprise o yaong buwis na ipinapataw sa mga slaughter house, palengke, ospital at iba pang kahalintulad nito.

Lumalabas umano na magaling ang rehiyon ng Bikol sa larangan ng pagkolekta ng buwis sa economic enterprise, at sa real property na siyang pinakamahirap kolektahin. Ang pagtaas ng koleksyon na ito ay dahilan umano sa nagbayad na ang ng kanilang buwis ang mga planta ng geothermal sa Bicol tulad ng Tiwi at Bac-Man sa Albay at Sorsogon.

Malaki rin umano ang naging ambag ng turismo sa malaking kita sa buwis ng rehiyon ng Bicol tulad ng CWC sa Camarines Sur na pumapangalawa at ang Butanding sa Donsol na pumapangatlo sa dinarayo ng mga turista sa buong Pilipinas, lokal man o dayuhan, ayon sa ilang mga survey.

Malaking potensyal din umano sa revenue collection ang pagtutulungan o inter-local cooperation ng mga lalawigan ng Sorsogon, Masbate at Albay sa larangan ng pagpapaunlad pa ng turismo.

Dagdag din ng opisyal na sa lalawigan ng Sorsogon, magiging malaking ambag din sa koleksyon sa buwis sa susunod na mga taon kung mapag-aaralan at malilinang ang potensyal ng Sta. Magdalena lalo na kung lalagyan din ito ng pantalan kung saan magiging target nito ang mga pasaherong patungo at mula sa Easrtern Samar. “Hindi ito magiging karibal ng bayan ng Matnog sapagkat ang mga pasahero ng Matnog ay yaon namang patutungo at mula sa Northern Samar,” ayon pa sa kanya.

Samantala, binigyang-diin ni Dino na mali ang konotasyong maganda kapag may surplus sa badyet at maraming ipon o perang hindi nagastos ang isang tanggapan o LGU sa loob ng isang taon sapagkat nangangahulugan itong hindi natugunan ang mga pampublikong serbisyong dapat sana ay naibigay sa mga kinauukulan.

Inihayag din niya na bukas ang BLGF sa pagtulong sa mga non-efficient LGU upang matuto ng mga epektibong istratehiya upang mapataas ang kanilang revenue collection efficiency. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: