Thursday, March 14, 2013

Sitwasyon ng tubig sa Sorsogon iniulat ng SCWD



Ni: FB Tumalad

LUNGSOD NG SORSOGON, Marso 14 (PIA) – Kung magpapatuloy ang pagbuhos ng ulan ngayong Marso inaasahang hindi magkakaroon ng paghina ng suplay ng tubig kahit pa yaong mga nakatira sa matataas na lugar sa lungsod ng Sorsogon.

Ito ang inihayag ng amunuan ng Sorsogon City Water District (SCWD) sa ipinadalang impormasyon nito sa mga kunsumidor ng tubig sa lungsod. Ayon dito, ang pinagkukunan ng inuming tubig ng Sorsogon City ay nanggagaling sa malalim na bukal at deepwell na may pambomba.

Sa tala ng SCWD, ang spring sources kapag maulan ay lumilikha ng 114 litro bawat Segundo (LPS) at kapag tag-init naman ay 36 LPS lamang, nababawasan ito ng 70 % sa panahon ng tag-ulan.

Ang kabuuang produksyon ng 12 deepwell at pumping station ng SCWD ngayon ay humigit-kumulang sa 160 LPS kung lahat ng ito ay gumagana.

Sa  kasalukuyan, ang mga kunsumidor na sinusuplayan ng  tubig ng SCWD sa lungsod ay  nasa 8,700 na kabahayan at nangangailanagan  ito ng 122.25 LPS average bawat araw kasama na ang 30 % tagas ng tubo.

Kapag peak hours o sabay-sabay ang paggamit ng tubig ng mga kunsumidor simula alas-sais hanggang alas-otso ng umaga at alas-onse ng umaga hanggang alas-otso ng gabi domodoble naman ang nagiging kunsumo ng tubig.

Lumalabas na ang kunsumo ng tubig tuwing peak hours ay nangangailangan ng 244.50 LPS, dito rin makikita na sa tuwing tag-ulan ay sagana ang suplay ng tubig at minsan ay sumusobra pa ito.

Subalit sa panahon naman ng tag-init, makikitang kulang na kulang ang suplay ng 48.50 LPS sa pangangailangan ng kasalukuyang bilang ng mga kunsumidor.

Inamin ng SCWD na malaking epekto ang sobrang pag-init dala ng Global Warming dahil maraming kabahayan ang gumagamit ng tubig, dagdag pa ang sabay-sabay na pagbukas ng gripo at pagkakaroon ng problema sa mga makinang ginagamit na umaasa din sa kuryente.

Samantala, tiniyak naman ng pamunuan ng SCWD na ginagawa nito ang lahat ng makakaya upang matugunan ang kinakailangang suplay ng tubig sa lungsod. Nanawagan din ito sa publiko na patuloy na maging responsable sapaggamit ng tubig at tiyaking naisasarado ng maayos ang mga gripo at linya ng tubo sa loob ng mga kabahayan.  (FB Tumalad, PIA Sorsogon)

No comments: