Former Rep Jose Solis |
Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Abril 24 (PIA) –
Pumanaw kahapon ang dating Kongresista ng ikalawang distrito ng Sorsogon Jose
“Joey” Guyala Solis na kumakandidato sana bilang Independent sa kaparehong
posisyon para sa darating na halalan sa Mayo.
Ayon sa ulat na nakarating sa PIA Sorsogon,
cardiac arrest ang naging dahilan ng pagpanaw nito habang ginagamot ito sa Estevez
Hospital sa Lungsod ng Legazpi sanhi ng sakit sa bato. Makailang ulit na ring
naoospital ang dating kongresista at sumasailalim sa dialysis dahilan sa
iniindang sakit nito at sanhi na rin ng iba pang mga komplikasyon.
Si Solis ay nagtapos ng kursong Civil
Engineer sa Feati university noong 1961 at kumuha ng kursong Applied Geodesy
and Photogrammetry sa Unibersidad ng Pilipinas at nagtapos noong 1971.
Mula 1961 hanggang 1966 ay nagsilbi si
Solis bilang Security to the President at Presidential Staff Assistant on
Finance, at ng Presidential Security Battalion.
Matagal din itong nagsilbi sa iba’t-ibang
mga departamento ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas mula 1968 hanggang 1987.
Pinamunuan din niya ang Committee on Bicol
Recovery and Economic Development partikular noong mga panahong dumanas ng
matitinding kalamidad ang rehiyon ng Bicol.
Naging administrador din ito ng National
Mapping and Resource Information (NAMRIA) at naglunsad ng kauna-unahang mga
gawang Pilipino na topo map; kauna-unahang gumamit ng Geographic Information
Systems (GIS) technology; Sea Surface Temperature (SST) Mapping Project;
gumamit ng Digital Databasing ng Nautical Chart Project; Remote Sensing
Project; at nagbigay linaw sa kahulugan at tamang paggamit ng Philippine
Reference System.
Nanalo ito bilang Kongresista
ng ikalawang distrito ng Sorsogon noong 2001, 2004 at 2007, at kinilala din sya
bilang “Most Outstanding Congressman” mula 2001 hanggang 2004.
Si Solis na taga-Bulan, Sorsogon ay pumanaw
sa edad na 73 at ang kanyang mga labi ay nasa pangangalaga ngayon ng kanyang
asawang si Flocerfida de Guzman. Wala pang napag-uusapan ang pamilya hinggil sa
sistema ng gagawing burol sa dating kongresista at kung kailan ang libing nito.
Kung walang papalit na kandidato kay Solis
tatlo na lamang ang maglalaban sa pwesto ng pagkakongresista sa ikalawang
distrito: si Gullermo De Castro ng partidong United Nationalist Alliance (UNA);
Sappho P. Gillego ng Pwersa ng Masang Pilipino (PMP); at kasalukuyang
Congressman Deogracias B. Ramos, Jr. ng Liberal Party (LP). (BARecebido, PIA
Sorsogon)
No comments:
Post a Comment