Monday, April 22, 2013

Serbisyo ng Post Office sa Sorsogon magpapatuloy pa rin

Si Mamang Kartero at ang Sulat
(mula sa: rubenrsp11tca-2.blogspot.com)


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, April 23 (PIA) – Sa kabila ng pagbawas ng bilang ng mga koreo sa Sorsogon at kakaunting bilang ng tauhan nito, sinisikap pa rin umano ng Philippine Postal Corporation Sorsogon Service Office na makakaabot pa rin sa mga kinauukulan ang mga padala o sulat mula sa mga nagpapadala nito.

Ito ang inihayag ng isang opisyal ng koreo kung saan inamin nitong anim na koreo sa buong Sorsogon ang isinara na nila dahilan sa pagbaba ng bilang ng mga nagpapadala at tumatangkilik dito.

Wala na ring regional post office sa Bicol bagkus ay isinama na ito sa Region IV ng PhilPost kung saan ang central office ay nasa San Pablo, Laguna.

Aniya, maliban sa matagal nang plano ng local post office na bawasan ang kanilang area of coverage, aminado din siyang ang pagdami ng bilang ng mga gumagamit ng cellphone at internet ang malaking dahilan kung bakit mataas rin ang ibinawas ng mga tumatangkilik na ngayon ng serbisyo ng koreo o postal services.

Dagdag din dito ang pagkuha na rin ng contractual services ng mga cellphone company na dati ay nagpapadala rdn sa kanila.

Kabilang sa tuluyan na nilang ipinasara ay ang postal services office sa mga bayan ng Barcelona, Castilla, Donsol, Juban, Prieto Diaz, at Sta. Magdalena.

Tanging ang mga bayan na lamang ng Bulan, Casiguran, Gubat, Irosin, Matnog, Pilar, Bulusan, Magallanes at Sorsogon City ang mananatiling aktibo sa pagbibigay ng postal services sa mga Sorsoganon.

Klinaster na lamang nila umano ang pagdedeliber ng mga padala o sulat na idinaan sa koreo nang sa gayon ay matatanggap pa rin ito ng mga pinadalhan ayon sa itinakdang panahon.

Aminado naman si Ramon Dino, isang lokal na manunulat na mahalaga pa rin ang papel na ginagampanan ng koreo na hindi rin matutumbasan ng cellphone, internet at iba pang makabagong teknolohiya lalo’t hindi naman lahat ng lugar sa Sorsogon ay nabiyayaan ng magandang signal ng mga service provider nito.

Samantala, upang matugunan ang sitwasyong kinakaharap ng PhilPost, isinailalim ito ni Pangulong Benigno Aquino noong nakaraang taon sa Office of the President sa bisa ng Executive Order 47 at nagbigay din ng kaukulang pondo upang masuportahan ang pinansyal na pangangailangan nito. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: