Thursday, May 2, 2013

Mga progresibong grupo, nagmartsa kaugnay ng pagdiriwang ng Araw ng Paggawa


Ni: FB Tumalad, Jr.

Lungsod ng Sorsogon, Mayo 2 (PIA) – Isang pagmartsa ang ginawa ng mga kasapi ng Kilusang Mayo Uno, Bayan Muna, Makabayan, Karapatan, Kabataan, at iba pang mga progresibong grupo sa Sorsogon kahapon upang ipakita ang kanilang mga sintemyentong may kaugnayan sa paggawa at kahirapan ng mga Pilipino.

Ayon sa grupo, hindi lamang sa Sorsogon nakararanas ng kahirapan dahilan sa kawalan ng trabaho o mapagkakakitaan para sa pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilya kundi maging saan man sa bansa.

Kaugnay nito, nanawagan ang mga raliyista sa pamahalaan partikular kay Pangulong Benigno Aquino III ukol sa paglikha ng karagdan pang mga trabaho, umento sa sahod ng mga manggagawa, pagbasura sa Oil Deregulation Law, solusyon sa malawakang kontrakwalisasyon, pagpapababa ng presyo ng mga bilihin sa merkado at pagtutol sa mga isinasagawang balikatan exercises sa bansa.

Hindi rin nakaiwas ang mga kumakandidatong pulitiko para sa Halalan sa Mayo 2013 sa panawagang isama sa kanilang mga prayoridad ang usapin ukol sa kawalan ng trabaho at kahirapan ng mga Sorsoganon.

Subalit sa kabila ng mga batikos sa sistema ng kasalukuyang administrasyon ay patuloy na gumagawa ang pamahalaan ng kaukulang interbensyon upang mabigyan ng kasagutan ang kahirapan sa bansa tulad na lamang ito ng mga programa sa 4Ps ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), jobs fair ng Department of Labor and Employment (DOLE) at mga tulong ng Technical Education Skills Development Authority (TESDA) nang sa gayon ay matugunan ang kawalan ng hanapbuhay at pangangailangan ng mga mamamayang Pilipino.

Panawagan ni Pangulong Aquino sa mga mangagawa at employer sa pulong noong Abril 30, 2013 sa Malakanyang na ituring ang Labor Day na isang magandang araw ng trabaho at isantabi ang sisihan at ugaling negatibo.

Sa halip aniya na tratuhin ang Labor Day bilang araw ng piket at sigawan, mas mainam na ituring ito bilang selebrasyon — isang araw na masayang nagdiriwang ang mga manggagawa at mga negosyante dahil sa matagumpay at produktibong taon; isang araw na kinikilala ang sipag ng bawat empleyado, at kung gaano kalaking biyaya ang magkaroon ng isang trabahong marangal at mabuhay ang bawat pamilya.

Habang isinasagawa ang pagmamartsa kahapon ng mga militanteng grupo ay naka-alerto din ang puwersa ng mga kapulisan at Phil. Army mula madaling araw upang subaybayan ang ginagawang kilos protesta na tinatayang umaabot sa mahigit dalawandaang katao ang nakilahok at siguruhing mananatili ang kaayusan.

Naging mapayapa naman at walang anumang naganap na kaguluhan ang Labor Day kahapon. (FB Tumalad, PIA Sorsogon)

No comments: