Thursday, May 2, 2013

Pagpapatuyo ng mga produkto sa lansangan ipinagbabawal ng DPWH



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, May 2 (PIA) – Muling ipinaalala ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga residente at mga negosyante na mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng mga lansangan o kalsada sa pagbibilad o pagpapatuyo ng mga palay, kopra at iba pang mga produkto.

Ayon kay DPWH 1st District Engineer Romeo Doloiras, ito ay upang maiwasan ang anumang mga aksidente sa lansangan lalo na ng mga gumagamit ng motorsiklo.

Aniya, sa ipinalabas na Department Order No. 41 ng DPWH na may petsang Abril 12, 2013, muli nitong ipinaalala sa publiko ang mga probisyong nakasaad sa Section 23 ng Presidential Decree No 17 kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng alinmang bahagi ng lansangan o kalsada, tulay, at road right-of-way upang magbilad ng mga produkto lalo na ang mga palay. Kasama din sa ipinagbabawal ang paglalagay ng anumang bagay na maaaring makaharang sa maayos na daloy ng trapiko.

Ipinaliwanag din niya na hindi tumitigil ang DPWH sa paggawa ng mga hakbang upang maging maayos ang mga pambansang lansangan sa pamamagitan ng pagpapalapad pa nito nang sa gayon ay mas maging maginhawa ang mga motorista at hindi upang gawing solar dryer.

Partikular nilang tinukoy na sa inisyal nilang paglilibot, marami silang nakitang nagbibilad ng palay sa bayan ng Magallanes habang sa Bacon District, Sorsogon City naman ay palay at kopra ang mga makikitang pinatutuyo sa lansangan.

Nakadadagdag pa umano sa panganib sa mga motorista ang mga bato at iba pang harang na inilalagay bilang proteksyon sa binibilad nilang produkto.

Nanawagan din si Engr. Doloiras sa mga opisyal at tanod ng lungsod, munisipyo at mga barangay na higpitan din ang kanilang nasasakupan sa pamamagitan ng pagpapalabas ng kautusan ukol sa pagbabawal sa paggamit ng lansangan o kalsada.

Matatandaang kamakailan lamang ay isang aksidente sa lansangan ng Trece Martires sa Casiguran, Sorsogon ang naitala kung saan dalawang buhay nabuwis dahilan sa pag-iwas umano ng tsuper sa isang residente na nagbibilad ng palay.

Sinabi din ni Engr. Doloiras sinumang mapapatunayang lumabag sa nasabing kautusan ay mahaharap sa kaukulang penalidad sa halagang di tataas sa isang libong piso o pagkakakulong ng anim na buwan. (BARecebido, PIA Sorsogon)



No comments: