Thursday, May 2, 2013

Presyo ng mga pangunahing bilihin patuloy na sinusubaybayan ng DTI


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, May 2 (PIA) – Patuloy pa rin ang regular na pagsubaybay ng Department of Trade and Industry (DTI) Sorsogon sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa lalawigan ng Sorsogon.

Ayon kay DTI Sorsogon Provincial Director Leah Pagao, sa kabila ng kawalan nila ng tanggapan at tauhan sa mga bayan ng Sorsogon ay regular pa rin nilang nasusubaybayan ang halaga ng mga pangunahing pangangailangan at bilihin sa 14 na bayan sa pamamagitan ng tamang pag-aayos ng mga iskedyul at pagtatalaga ng masisipag na mga tauhang gagawa ng pagsubaybay.

Aniya, nagpapasalamat siya sa mga negosyante sapagkat wala silang naitatalang nagsasamantala sa halaga ng produkto at pangangailangan ng mga kunsumidor. Inihayag din niya na may ilang mga tindahan din ang nakakapagbigay pa ng mas murang halaga ng bilihin kaysa sa itinalagang Suggested Retail Price (SRP) nang hindi nasasakrispisyo ang kalidad at uri ng produkto.

Ang Price Monitoring ay isang epektibong paraan upang matulungang maayos na mabadyet ng mga kunsumidor ang kanilang perang pambili ng produkto, sapagkat nabibigyan ng malinaw na senaryo ang mga kunsumidor pagdating sa halaga ng mga bilihin sa iba-ibang mga pamilihan.

Malaking tulon ito sa mga regular na namamalengke para sa kanilang arawan o lingguhang kunsumo dahilan sa malalaman nila ang galaw ng mga presyo ng bilihin at nagagabayan din sila kung alin sa kanilang mga pangangailangan ang ipa-prayoridad.

Kabilang sa mga tinatawag na basic commodities ay ang mga de-latang isda, prinosesong gatas, kape, sabong panlaba at panligo, asin, kandila at tinapay. Habang kabilang naman sa prime commodities ang mga prinoseso at de-latang karne at baka, toilet soap, mga sawsawan, suka, toyo, noodles, naterya at posporo. Ang presyo ng mga bilihing ito ay pawang nasa ilalim ng pagsubaybay ng DTI.

Ayon pa kay Pagao, kung nais malaman ang SRP para sa mga pangunahing bilihin, maglog-on lamang sa www.dti.gov.ph at i-click ang suggested retail price at para naman sa pinakahuling presyo ng bilihin ay i-click ang Bantay Presyo o Price Watch.

Pinayuhan din nito ang mga kunsumidor na suriing mabuti ang timbang at ang mga nakalagay na price tag bago bilhin ang produkto.

Ayon pa sa kanya, sakaling may katanungan o reklamo ang publiko ay maaari silang makipag-ugnayan sa pinakamalapit na tanggapan ng DTI o di kaya’y tumawag sa numerong 421-5553 o itext ang kanilang hotline sa numerong 09272907771. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: