Wednesday, July 27, 2011

Bago at permanenteng tanggapan ng TESDA Sorsogon sinimulan nang ipatayo


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, July 25 (PIA) – Malaki ang naging pasasalamat ng pamunuan ng Technical Education Skills and Development Authority (TESDA) Sorsogon sa lokal na pamahalaan ng lungsod ng Sorsogon matapos nilang matanggap ang donasyong lote ng lungsod para sa kanila at tuluyang simulan na ang pagpapatayo ng gusali na magiging permanenteng tanggapan na ng TESDA Sorsogon.

Ayon kay Jho Macabuhay, Information Officer ng TESDA Sorsogon, binigyang kapangyarihan ng Sangguniang Panlungsod si Sorsogon City Mayor Dioneda na pumirma sa isang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan nila para sa conditional lot donation na maaring mapagtayuan ng sariling gusali ng TESDA mismong sa City complex sa Brgy. Cabid-an, Sorsogon City.

Ang nasabing hakbang ay may layon diumanong mapalawak at mapaigting pa ang pagbibigay serbisyo ng TESDA Sorsogon sa mga kliyente nito.

Ayon pa kay Macabuhay, sa oras na makalipat na sila sa sarili nilang gusali, tiyak na malaking halaga na ang matitipid nila mula sa renta na magagamit pa nila para sa pagpapaigting pa ng kanilang serbisyo para sa mga Sorsoganon.

Sinabi naman ni Sorsogon City Mayor Leovic Dioneda na nararapat lamang na mabigyan ng city government ng libreng lote ang TESDA sa ilalim ng partnership program ng lungsod, lalo’t isa ito sa mga aktibong katuwang ng pamahalaang lokal ng lungsod sa pagbibigay ng edukasyon at pagpapalago ng kasanayan ng mga taga-lungsod. (PIA Sorsogon)

No comments: