Wednesday, July 27, 2011

Sitwasyon sa Sorsogon balik na sa normal


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, July 27 (PIA) – Panaka-naka na lamang ang pag-uulan dito ngunit nananatili pa ring maitim ang ulap sa kalangitan, indikasyon na anumang oras ay maaaring umulan na naman kung kaya’t mahigpit pa rin ang abiso ng mga awtoridad sa publiko na mag-ingat at magdala ng kaukulang mga pananggalang sa ulan.

Balik na rin sa normal ang sitwasyon ngayon sa buong lalawigan kung saan may pasok na ang lahat ng antas ng mga paaralan at maging ang mga empleyado ay isang-daang porsyento na ring nakapasok sa kani-kanilang mga tanggapan.

Alas-singko kaninang umaga ay tuluyan na ring pinayagan ng Philippine Coast Guard Sorsogon ang mga naistranded na mga behikulo sa tatlong malalaking pantalan dito na makapaglayag.

Samantala, sa tala ng Sorsogon Provincial Disaster Risk Management Office (SPDRMO) nakaranas ng flashfloods ang mga barangay ng Binanuahan sa bayan ng Juban, Inlagadian sa Casiguran at brgy. Gora at Ogod sa bayan naman ng Donsol. Wala namang naitalang biktima sanhi ng mga pagbaha o pagguho ng lupa.

Nananatiling unpassable ang Brgy. Gora at Brgy. Ogod sa Donsol hanggang sa kasalukuyan. Kung hindi na uulan pa ng malakas maghapon ngayon ay tiyak na bababa na rin ang tubig at tuluyan nang madadaanan ang nasabing mga lugar, ayon sa mga tsuper ng jeep.

Tuloy-tuloy din ang pagtatasa ng mga awtoridad sa pinsalang dinala ni ‘Juaning’ dito sa lalawigan lalo na sa sektor ng agrikultura. (PIA Sorsogon)





No comments: