Wednesday, July 27, 2011

Sitwasyon ng panahon kahapon, hindi inasahan ng mga Sorsoganon


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, July 27 (PIA) – Taliwas sa isang ordinaryong signal number 1 ang naranasan ng mga taga-Sorsogon kahapon matapos na manalasa ang mga pag-uulan at malakas na hangin simula madaling araw hanggang alas-dos ng hapon kaugnay ng tropical depression ‘Juaning’.

Nakatulong naman ang kumalat na balitang itinaas na sa signal number 2 ang babala ng bagyo dahilan upang suspindihin ang klase sa lahat ng antas ng mga paaralan sa lalawigan at magdesisyon ang ibang mga magulang na huwag na ring papasukin pa ang kanilang mga anak, subalit walang awtoridad na kumumpirma dito na itinaas nga sa nasabing babala ang bagyo dito.

Dala ng malakas at pabugsong pag-ihip ng hangin, ilang mga yero ng kabahayan ang nagliparan din habang naghambalang naman ang ilang mga naputol na sanga ng punong-kahoy sa kalsada, subalit agad naman itong naaksyunan at naalis ng mga awtoridad partikular na rin ng mga opisyal sa barangay dahilan upang hindi makaabala sa mga motorista.

Naging paralisado naman ang suplay ng kuryente alas dos ng madaling araw kahapon at maging ang serbisyo ng ilang mga network ay hindi rin naging maganda.

Umabot sa 766 katao ang naistranded sa mga pantalan ng Matnog, Pilar at Bulan, habang isa ang istranded na bus, apat na trak, anim na vessel at limang motorbanca matapos na suspindihin ng Coast Guard Sorsogon ang byahe ng lahat ng mga sasakyang pandagat.

Nakapagtala din ng aabot sa 1,998 evacuees sa Bulan, 208 na pamilyang evacuees sa bayan ng Juban at mahigit isangdaan sa Sorsogon City. Halos lahat ng mga evacuees ay yaong mga regular nang residenteng sa tuwing nagkakaroon ng tuloy-tuloy na pag-uulan ay napipilitang lumikas patungo sa ligtas na lugar.

Hindi rin naparalisa ang transaksyon sa mga establisimyento lalo na ang mga bangko.

Bandang alas-kwatro na nang hapon nang tuluyan nang humupa ang malakas na ulan at hangin. (PIA Sorsogon)

No comments: