Thursday, July 28, 2011

Mga awtoridad mabilis ang naging aksyon kaugnay ng bagyong ‘Juaning’

Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, July 28 (PIA) –Nagpasalamat ang mga Sorsoganon dahilan sa walang naitalang malaking pinsala ang nagdaang bagyong Juaning dito sa lalawigan sa kabila ng tinamong malalaking pinsala ng tatlong probinsya sa rehiyon dahilan upang magdeklara ang mga ito ng state of calamity.

Matatandaang agad na inalerto ng mga awtoridad dito partikular ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ang mga Municipal, City at Barangay DRRMC matapos na mapag-alamang maaaring makaranas ng mga pag-uulan sa lalawigan sanhi ng pagdaan ng bagyong si Juaning.

Naging alerto din at agad na namahagi ng mga relief goods sa mga evacuees ang mga tauhan ng Social Welfare and Development ng mga lokal na pamahalaan tulad ng Sorsogon City, Juban, Bulan at Irosin.

Sa panig ng Philippine Army, agad na nagbigay ng kautusan si Lt. Col. Epimaco Macalisang, commanding officer ng 49IB sa kanyang mga tauhan upang tumulong sa paglilikas ng mga residente lalo sa mga lugar sa Juban na kadalasang binabaha tuwing nagkakaroon ng mga pag-uulan tulad ng Brgy. Binanuahan.

Maging ang Philippine Coast Guard ay agad ding ipinag-utos ang pagkansela ng byahe sa mga pantalan ng Bulan, Matnog at Pilar.

Dalawang mangingisda na pawang residente ng Sorsogon City ang nailigtas ng pinagsamang elemento ng Phil. Coast Guard at ng Phil. National Police Sorsogon City sa gitna ng laot habang nakikipaglaban ito sa malalaking alon at malalakas na hangin. Ligtas namang naibalik ng mga awtoridad ang nasabing mga mangingisda sa kanilang mga pamilya.

Nakatulong naman ang maagang pagpatay ng kuryente at bago pa man manalasa ang malalakas na hangin at ulan ay natiyak na ang kaligtasan ng komunidad laban sa mga panganib dala ng kuryente.

Pinuri din ng mga lokal na awtoridad ang kooperasyon ng publiko at ang kahandaan na nito sa kalamidad kung saan sila mismo ay alertado na at handang magsagawa ng voluntary evacuation kung kinakailangan. (PIA Sorsogon)

No comments: