Monday, January 28, 2013

3,000 bakawan muling naitanim sa Brgy. Gimaloto, Sorsogon City



PENRO-LGU Head Engr. Maribeth Fruto

Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Enero 28 (PIA) – Muli na namang nadagdagan ng mga bagong tanim na bakawan ang Mangrove Reforestation Area sa Brgy. Gimaloto, Kanlurang Distrito ng Lungsod ng Sorsogon.

Ito ay matapos na ilunsad ang panibagong inisyatiba ng Seaweed Growers Association, Inc. (SEAGRASS), isang peoples organization ng Brgy. Gimaloto, kaugnay ng pagpapatupad ng pamahalaang lalawigan ng Sorsogon ng mga proyekto at programang magbibigay ng pangmatagalang kaunlaran, biodiversity at resource conservation.

Ang nasabing pagtanim ng mga bakawan ay bilang tugon din sa Executive Order No. 533 o ang pagpapatupad ng Integrated Coastal Resource Management bilang pangnasyunal na isratehiya upang tiyakin na mapapalago at mapapaunlad ng pangmatagalan ang likas na yaman sa mga kostales na lugar at karagatan sa bansa.

Tatlong libong mga propagule ang naitanim sa mahigit kalahating ektaryang Mangrove Reforestation Area sa Brgy Gimaloto noong Biyernes, Enero 25, 2012.

Photo: PENRO-LGU
Ayon kay Redentor Lasay, presidente ng SEAGRASS, Inc., ito na ang pangatlong pagkakataong nagsagawa sila ng malaking aktibidad ng pagtatanim sa 82,000 ektaryang Mangrove Reforestation Area ng Brgy. Gimaloto katuwang ang iba’t-ibang sangay ng pamahalaang nasyunal at lokal na sinimulan nila noong nakaraang taon.

Una nilang isinagawa ang pagtatanim noong Hulyo 2012 sa tulong at pondong ibinigay ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sumunod ay noong Setyembre 2012 sa tulong pa rin ng BFAR at ng Sorsogon State College (SSC) sa ilalim ng Philippine National Aquasilvi Culture Program (PNAP), at ang pinakahuli ay noong Biyernes sa ilalim ng P1-M Integrated Coastal Resource Management Fund na ibinigay naman ng pamahalaang lalawigan ng Sorsogon para sa 25 ektaryang bahagi ng kabuuang lupang target na taniman.

Halos ay 700 katao ang nakilahok sa aktibidad noong Biyernes na kinabibilangan ng mga kinatawan at tauhan ng iba’t-ibang mga sangay ng pamahalaang lokal at nasyunal sa pangunguna ng Provincial Environment and Natural Resources (PENRO) – LGU, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Phil. Army, Phil. National Police, Phil. Information Agency, Provincial Tourism, Energy Development Corporation, DepEd, Provincial Agriculture Office, mga mag-aaral ng Reserve Officers Training Course (ROTC), at mga mga mangingisda.

Positibo naman ang mga kasapi ng SEAGRASS na sa loob ng tatlong taon ay matataniman nila ang kabuuang ektaryang lupaing target nila. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: