Thursday, January 31, 2013

Comelec muling nilinaw ang mga patakarang dapat sundin ng mga kandidato ukol sa political ad



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Enero 31 (PIA) – Nilinaw at ipinaliwanag ni Comelec Election Supervisor Atty. Calixto Aquino, Jr. ang ilang mga patakaran ukol sa political ads ng mga kandidato para sa darating halalan 2013.

Ayon kay Atty. Aquino ang mga patakarang ito ay alinsunod sa nakasaad sa Comelec Resolution No 9615 kung saan sinasabi dito ang sukat at haba ng oras o minuto ng mga political ad sa radyo, telebisyon at mga pahayagan.

Para sa national candidate, 120 minuto sa telebisyon at 180 minuto naman sa radyo ang ibinibigay na kabuuang oras para sa kanilang political ad sa loob ng 60-day campaign period kasama na dito yaong mga advertisement na bayad ng ibang tao o sponsor ng kandidato. 60 minuto sa TV at 90 minuto naman ang para sa local candidate sa loob ng 45-day campaign period.

Kasama rin dito ang sukat ng mga campaign paraphernalia tulad ng mga flyer, poster at streamer ng mga kakandidato sa national level at sa local level.

Ang mga press release at interview lalo kung tungkol sa kanyang pananaw o paninindigan ukol sa isang napapanahong isyu ay hindi kabilang dito.

Nilinaw din ng opisyal na sa mga nais maglagay ng political ad sa TV at radyo, dapat na may kontrata sa pagitan ng istasyon ng radyo at TV kung saan sila lalabas at dapat na bigyan ng kopya ng kontrata ang tanggapan ng Comelec.

Pahayag pa ni Atty. Aquino na nakipag-ugnayan na at nakikipagtulungan na rin ang National Telecommunications Office ang Comelec na siyang sumusubaybay sa mga ini-ere sa TV at radyo.

Kung gagamit ng jingle, kukwentahin din ang minutong itinakbo nito at isasabay ito sa itinakdang kabuuang minutong ibinibigay sa bawat kandidato.

Sa mga pahayagan, ang isang national candidate ay dapat na kumunsumo ng 1/4 na pahina na lalabas ng tatalong beses sa isang linggo, habang ang local candidate ay dapat na kumunsumo ng ½ pahina na lalabas ng tatlong beses sa isang linggo.

Sa paggawa naman ng mga poster at flyers, 8 ½” x 14” lamang ang sukat at hindi dapat na lalampas dito. Sa poster, 2ft x 3ft, sa streamer, 3ft x 8ft. Ang sukat na ito ng streamer ang maaaring gamitin sa mga rally at pinapayagang isabit sa loob lamang ng limang araw sa lugar na pagdadausang ng rally.

Ang hindi susunod sa patakarang ito ay sasampahan ng Comelec ng kasong administratibo at papatawan ng penalidad na isang taon hanggang anim na taong pagkabilanggo at hindi na rin papayagang makatakbo pa sa mga susunod na halalan.

Sinabi pa ni Atty Aquino na nagpapatuloy din sa kanilang trabaho ang binuo nilang task force na na siyang susubaybay sa mga itinakdang common poster area ng Comelec kung saan magkakatuwang dito ang City o Municipal Election Officer at hepe ng Philippine National Police (PNP) ng lungsod o munisipyo.

Tiniyak din ng opisyal na istrikto nilang ipatutupad ang mga patakarang itinakda ng Comelec. Nilinaw din niyang sakaling idinikit sa common poster area subalit hindi sumunod sa itinakdang sukat ng mga poster o streamer ay tatanggalin pa rin nila ito katulad din ng gagawing pagtanggal sa mga matryal na ito kung hindi idinikit sa designadong common poster area.

Nanawagan din si Atty Aquino sa mga kandidato, sa mga suportador at sa publiko na sumunod na lamang sa mga patakarang itinakda upang makamit ng Sorsogon ang malinis, mapayapa at matapat na halalan. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: