Thursday, February 7, 2013

PGADC pinaghahandaan na ang pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan


PGADC V-Chair BM Rebecca Aquino presides PGADC-TWG Meeting
Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Pebrero 6 (PIA) – Muling nagpulong ang mga kasapi ng Technical Working Group ng Provincial Gender Advocacy and Development Council (PGADC) kaugnay ng mga paghahandang gagawin para sa darating na selebrasyon ng Buwan ng mga Kababaihan sa Marso.

Ayon kay PGADC Vice-Chair at Board Member Rebecca Aquino, taliwas ng mga nakaraang taon, simple lamang ang magiging selebrasyon ng Buwan ng mga Kababaihan ngayong taon dahilan sa dami din ng aktibidad sa buwan ng Marso tulad ng pagsisimula ng panahon ng kampanya ng mga lokal na opisyal, pagkakaroon ng mga graduation exercise at selebrasyon ng Semana Santa.

Kabilang sa mga napag-usapang mga aktibidad ng PGADC sa darating na Marso ay ang pagkakaroon ng banal na misa, Healthy Lifestyle Dance ng mga kababaihan kung saan imbitado din ang mga media at sinumang interesadong Sorsoganon na nais maki-hataw na gaganapin sa Provincial Gymnasium sa Marso a-uno.

Ilan pa sa nakalinyang aktibidad ang pagiging panauhin ng mga kasapi ng PGADC sa “Programang Pangkalusugan” sa radyo sa mga araw ng linggo at pagkakaroon ng Skills Demonstration Contest na pangungunahan ng Department of Trade and Industry (DTI).

The empowered PGADC-TWG members (photo: PGADC)
Nasa huling yugto na rin umano ang ginagawa nilang GAD Profiling partikular ng mga kababaihan sa buong lalawigan kung saan pinupunuan na lamang nila ang mangilan-ngilan na mga kakulangang datos at positibo silang bago matapos ang kasalukuyang taon ay mabubuo na ang GAD Profiling.

Ang GAD Profile ay magagamit na basehan sa pag-alam sa kalagayan at estado ng pamumuhay ng mga kababaihan sa lalawigan ng Sorsogon anumang sektor ang kinabibilangan nito. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: