Friday, June 28, 2013

OCD at PDRRMO nagsasagawa ng Emergency Simulation Exercise sa Juban at Irosin



By: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hunyo 27 (PIA) – Isang Simulation Emergency Exercise ang isinagawa sa bayan ng Juban, Sorsogon nitong Martes at Miyerkules at ngayong araw hanggang bukas sa bayan ng Irosin ditto sa Sorsogon sa pangunguna ng Office of the Civil Defense Regional Office V sa pakikipagtulungan sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) ng Sorsogon.

Ipinapakita sa nasabing simulation emergency exercise kung paano nagtutulungan ang iba-ibang kasapi ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Council (MDRRMC) sa panahong may emerhensya lalo na sa bahagi ng koordinasyon, komunikasyon, pagpapalaganap ng impormasyon, contingency planning at standard operating procedures.

BDRRMC at MDRRMC ng Juban
Ayon kay OCD-NCR Ms. Susan Quiambao ang simulation exercise na ito ay isang mahalagang sangkap upang mapalakas pa ang pagbibigay ng impormasyon at ang komunikasyon at koordinasyon ng mga ahensyang sangkot. Ibinigay niyang halimbawa ang idinudulot na trahedya ng aktibidad ng Bulkang Bulusan sa mga komunidad upang umano’y magtulungan upang mas mapaayos pa ang mga ginagawang paghahanda at pagresponde sa panahong may kalamidad.

Ayon kay Sorsogon Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (SPDRRMO) Field Coordinator Sonia Lariosa, sa ginawang simulation emergency exercise sa Juban, mahigit 80 tao ang nakilahok. Mainit din ang nagging pagtanggap ni outgoing Juban Mayor Jimmy Fragata sa mga kinatawan ng iba-ibang mga departamento ng pamahalaan kabilang na ang Office of Civil Defense (OCD), Department of Interior and Local Government (DILG), Municipal Social Welfare and Development (MSWD), at ang Department of Health (DoH). Naroroon din ang iba’t-ibang mga humanitarian non-government organizations (NGOs) at si Ginang Marg Olson, kinatawan ng United Nations Forest Service.


Ang nasabing simulation exercise ay base sa isang senaryo kung saan pumutok ang Bulkang Bulusan na nasa Alert Level 2. Ang mga kalahok sa aktibidad ay kailangang rumisponde sa pamamagitan ng maayos na pagpapadaloy ng komunikasyon na para bang tunay na nagaganap ang pangyayari.

Ang mga aktibong nakilahok.
Ayon naman kay Mayor Fragata, ang nasabing emergency simulation exercise ay malaking tulong sa mga bayan na pangunahing apektado sa tuwing pumuputok ang Bulkang Bulusan na makapaghanda at mapamahalaan ng maayos ang mga pangyayaring hindi inaasahan, makagawa ng tamang desisyon sa kabila ng pagharap sa emerhensya gamit ang pinakamainam na istratehiya ng komunikasyon at makagawa ng mga inisyatibang makatutulong upang maiwasan ang pagbubuwis ng buhay at pagkawala ng mga ari-arian.

Ang aktibidad ay bahagi ng World Food Programme (WFP) Philippines Disaster Preparedness and Response Project na pinondohan ng United States Agency for International Development Office/Office of Foreign Disaster Assistance. (BARecebido, PIA Sorsogon/larawan:OCD-5)


No comments: