Sunday, June 23, 2013

Sakit sa bato isa pa rin sa pangunahing sanhi ng kamatayan ng mga Pilipino



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hunyo 24 (PIA) – Nananatiling kabilang ang sakit sa bato sa mga pangunahing sanhi ng kamatayan sa Pilipinas kung kaya’t patuloy din ang adbokasiya ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) at ng Philippine Information Agency (PIA) upang maipalam sa publiko ang kahalagahan ng pangangalaga sa bato o kidney hindi lamang ngayong Hunyo kundi sa mga buwan sa buong taon.

Sa impormasyon halaw sa NKTI-Renal Disease Control Program (REDCOP)  mahalagang mabigyan ng pansin ang tamang pangangalaga sa bato lalo na’t karamihan sa mga Pilipino na nakararanas ng malalang sakit sa bato ay hindi nalalamang may sakit na pala sila sapagkat kadalasang hindi natutukoy ng maaaga ang sintomas nito.

Matatandaang dati nang naglabas si dating Pangulong Fidel V. Ramos ng isang atas noong Mayo 13, 1993 na nagdedeklara sa buwan ng Hunyo bilang National Kidney Month upang upang mapalawak ang kaalaman at kamalayan ng publiko ukol sa sa pangangalaga sa ating mga bato at maiwasan ang magastos na pagpapagamot kapag ang mga ito ay napinsala na.

Ang bato o kidney ay isang mahalagang bahagi ng katawan ng tao sapagkat sinasala nito ang dugo upang maihiwalay at mailabas ang lason sa katawan na nanggagaling sa mga kinakain at iniinom. Ito rin ang nagsasaayos ng lebel ng tubig at electrolytes ng katawan at ang pinagmumulan ng erythropoietin, ang hormone sa katawan na tumutulong sa bone marrow upang makagawa ng red blood cells.

Ang diabetes, pamamaga ng bato at mataas na presyon ng dugo ang mga pangunahing dahilan ng kidney failure sa Pilipinas.

Ayon sa National Kidney and Transplant Institute, sa bawa’t isang milyong Pinoy ay 120 ang sinasabing nasa end stage renal disease o ESRD. Kapag ang pasyente ay idineklara nang end stage, nangangahulugan na hindi na gumagana ang dalawa niyang bato. Hindi na nito kayang linisin ang dumi sa dugo kaya nalalason na ang katawan niya, dahilan upang kailanganin na ng pasyente na sumailalim sa dialysis o kidney transplant.

Makatutulong ang pagkakaroon ng healthy lifestyle para mapangalagaan at maiwasan ang pagkakaroon ng sakit sa bato gaya ng balance diet, regular na pag-eehersisyo, pananatili ng tamang timbang, at pag-iwas sa paninigarilyo. Ang pag-inom ng anim hanggang walong basong tubig araw-araw at ang pag-iwas sa maaalat na pagkain ay makatutulong din. Ipinapayo ding regular ding magpatingin sa duktor lalo na kung mayroong hypertensive, may diabetes at renal failure sa pamilya. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: