Monday, August 22, 2011

CSAP ng DSWD sa Pto. Diaz pinakikinabangan na ng mga benepisyaryo


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Agosto 22 (PIA) – Sinimulan nang tirhan ng mga benepisyaryo ng Core Shelter Assistance Project (CSAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang isangdaang core houses sa Prieto Diaz, Sorsogon kahit hindi pa naigagawad sa mga ito ang Certificate of Completion and Occupancy.

Ayon kay Provincial Social Welfare and Development Officer Sonia-Garcia Mirasol, blessing at maikling programa lamang ang ginawa nila noong Biyernes dahilan sa hindi nakarating si DSWD Secretary Corazon “Dinky” Soliman kaugnay ng budget hearing nito.

Sinabi ni Mirasol na sa pagtutulungan ng DSWD at pamahalaang probinsyal ng Sorsogon ay naipatayo ang mga tahanan sa Brgy. Talisayan, Pto. Diaz, Sorsogon kung saan ang Pamahalaang Panlalawigan ng Sorsogon ang bumili at nagdebelop sa 3.3270 ektaryang lupain na pinagtayuan ng isangdaang core shelter para sa mga mamamayan na nahaharap sa panganib dulot ng mga natural na kalamidad. Dalawang ektarya ang inilaan para sa naturang Core Shelter Project at Road Network sa lugar, habang 1.3 ektarya naman nitong lupain ang gagamitin na ispasyo para sa kabuhayan o livelihood ng mga mananatili roon.

Nagkakahalaga diumano ang bawat unit ng proyektong ito ng P100,000 kung saan P70,000 nito ang tinugon ng DSWD,  habang 30,000 naman ang mula sa Pamahalaang Panlalawigan.

Ang mga benepisyaryo naman kasama ang ilang skilled workers ang siyang bumalikat sa konstruksyon upang maitayo ang naturang proyekto.

Ang mga residenteng mapapalad na nakatanggap ng pabahay ay mula sa mga kostales na lugar ng Brgy. Talisayan, Manlabong, ilang bahagi ng Sawanga at Buenavista sa Bacon District. (VLabalan, SPDRMO/PIA Sorsogon)

No comments: