Friday, August 26, 2011

Fun-Run para sa pagsugpo sa TB isasagawa


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, August 26 (PIA) – Isang Fun-Run activity ang nakatakdang isagawa bukas sa pangunguna ng World Vision Philippines, Social Mobilization on Tubercolusis (TB) Project sa pakikipagtulungan nito sa Green Valley Development Program (GVDP).

Ayon kay World Vision Monitoring and Evaluation Associate Leo Legazpi, layunin ng aktibidad na tinagurian nilang “Fun Run: Saves Lungs and Saves Life” na paigtingin pa ang kampanya laban sa sakit na TB at mahikayat ang publiko na may mga ganitong uri ng sakit na lumantad at magpagamot nang sa gayon ay mapababa ang bilang ng mga nagkakasakit nito. “Magsisilbi rin itong pinakatampok na aktibidad ng Lung Month celebration ngayong buwan ng Agosto”, ayon pa sa kanya.

Alas sais ng umaga sisimulan ang aktibidad kung saan hinati ang mga tatakbo sa dalawang kategorya, isang limang kilometrong takbo at isang sampung kilometrong takbo na gagawing sa kahabaan ng pangunahing mga lansangan ng Sorsogon City.

Inaasahang dadaluhan ito ng mahigit isaangdaang tatakbo mula sa iba’t-ibang mga sektor ng komunidad tulad ng mga paaralan, Sangguniang Kabataan, Association of Barangay Council, mga ahensya ng pamahalaan, media at iba pang mga non-government organizations, religious group, fraternities at sororities.

Maliban sa suporta sa pagsugpo sa TB, gagamitin din ang malilikom na pondo mula sa aktibidad para sa itatayong Demo-Farm at Learning Site para sa Natural Farming System na minamantini naman ng GVDP. (PIA Sorsogon)

No comments: