Thursday, August 25, 2011

Kaso ng dengue sa Sorsogon bumaba


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, August 25 (PIA) – Sa kabila ng mga nakakaalarmang ulat ukol sa pagtaas ng bilang ng kaso ng dengue sa ilang mga lugar sa bansa, nananatiling ligtas pa rin hanggang sa ngayon ang lalawigan ng Sorsogon sa sakit na dengue.

Sa naging pahayag ni Provincial Health Office Technical Services Head Dr. Maricel Fajardo, mas malaki ang ibinaba ng kaso ng dengue ngayong taon mula Enero hanggang sa kasalukuyan kung saan labingdalawang kaso ng dengue lamang ang naitatala nila kumpara noong nakaraang taon kung saan umabot sa isangdaa’t-isa ang naitalang kaso kabilang na ang isang namatay sa loob lamang  ng unang anim na buwan.

Ayon sa opisyal, utang nila diumano ito sa pinaigting na kampanya ng pamahalaang lokal kontra dengue.

Matatandaang regular ang isinasagawa nilang pagsubaybay, pagpapalaganap ng tamang impormasyon at mahigpit na pagpapatupad ng Department of Health (DOH) ng iba’t-ibang mga hakbang upang malabanan ang sakit na dengue.

Nagtalaga na rin diumano ng isang registered nurse ang PHO na siyang titiyak na nasusubaybayan ang lahat ng kaso ng dengue sa lalawigan.

Magkagayon man, hindi pa rin diumano dapat makampante kung kaya’t patuloy pa rin ang mga awtoridad pangkalusugan dito sa kanilang paalala sa mga mamamayan na magtulungan upang maiwasan ang pagkakaroon ng dengue sa kanilang komunidad. Hinikayat din ng mga ito ang publiko na panatilihing malinis ang kapaligiran at alisin ang mga bagay maaring tirhan ng mga lamok. (PIA Sorsogon)

No comments: