Monday, August 22, 2011

OPAPP nagsagawa ng Peace Youth Camp


Ni: Francisco B. Tumalad, Jr.

Lungsod ng Sorsogon, Agosto 22 (PIA) – Sa pangunguna ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) matagumpay na naisagawa ang tatlong araw na Peace Youth Camp sa lungsod ng Sorsogon na sinimulan noong Biyernes, Agosto 19 hanggang noong linggo, Agosto 21.

Ang nasabing Peace Youth Camp ay kinapalooban ng mga pagsasanay pangkabuhayan kung saan aabot sa limampu’t-anim na mga Out-of-School Youth (OSY) na pawang mga residente ng Barcelona, Sorsogon ang dumalo dito.

Sinabi ni OPAPP Finance Officer Evelyn Cortez, matagal nang inihain sa kanilang tanggapan ng Barcelona Development Cooperative (BADECO), isang kooperatiba ng mga magsasaka sa bayan ng Barcelona ang pagpili sa mga kabataang karapat-dapat na mabigyan ng libreng skills development training ng Technical Education Skills Development Authority (TESDA).

Naisakatuparan diumano ang aktibidad sa pakikipagtulungan sa kanila ng Department of Interior ang Local Government – Local Government Academy, Embahada ng Espanya sa Pilipinas at sa Agencia Espanola de Cooperacion Internacional para el Desarollo (AECID) na nagbigay ng suporta sa nasabing aktibidad.

Aniya, mas mainam na mga OSY na lamang ang bigyan ng pagsasanay subalit tiniyak naman nilang hindi lamang ito mga basta-bastang OSY kundi yaong mga aktibong kasapi ng mga organisasyon ng kabataan, ng simbahan at ng Sangguniang Kabataan (SK).

Sinabi pa ni Cortez na kabilang din sa kanilang programa ang pagbibigay ng Livelihood Training Program sa mga mahihirap na lugar na madalas ay mayroong mga hidwaan at kaguluhan.

Istratehiya diumano ang nasabing Youth Camp upang mai-aplay dito ang mga pagsasanay sa mabuting pakikipagkapwa-tao ng mga kabataan sa kanilang komunidad upang maging katuwang ng pamahalaan bilang tagapamayapa o peace keepers sa kanilang lugar sakaling may mga nagaganap na di-pagkakaunawaan.

Matatandaang ang Embahada de Espanola at AECID ay mayroong kasunduan sa bansang Pilipinas noong Nobyembre 2005 na maging katuwang sa pagsasaayos ng mga proyekto ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ukol sa Comprehensive Pilot Intervention Plan Against Gender Violence at sa Department of Education (DepEd) upang maiangat ang sistema ng edukasyon at maabot ang minimithiing pag-unlad ng bansang Pilipinas. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: