Wednesday, August 24, 2011

Provincial Veterinary Office nakikiisa sa OIE sa paglaban sa rabis


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Agosto 24 (PIA) – Inihayag ni Provincial Veterinarian Dr. Enrique Espiritu ang pakikiisa ng lokal na pamahalaan ng Sorsogon sa Office International Des Epizootes (OIE) o World Animal Health Organization sa pagsisikap nitong labanan ang pagkalat ng rabis sa buong mundo.

Ayon kay Dr. Espiritu, isang panibagong kabanata ang inihahanda ngayon ng OIE International Terrestial Animal Health Code na bubuo ng mga makabagong probisyon para sa “canine rabies free status” sa mga bansa.

Bumubuo diumano ng mga rekomendasyon ang OIE, Food and Agriculture Organization (FAO) at World Health Organization (WHO) upang matiyak ang maayos na kolaborasyon ng iba’t-ibang mga sector.

Nais ng OIE na himukin ang mga pamahalaan na mamuhunan sa mga prayoridad na programa tulad ng pagkontrol ng rabis sa mga aso, lalo na ng mga bansang hindi gaanong natutugunan ang mga rekisitos upang magdeklara ng ‘rabies free status’ sa lahat ng mga domestic at wild animal species sa kani-kanilang mga bansa.

Ayon kay Dr. Espiritu aminado ang OIE na malaking hamong pinansyal sa karamihan sa mga bansa ang mataas na halaga ng mga pangbakuna, kung kaya’t mahalaga umanong makapagsaliksik at makapagtayo ng vaccine industry na magbibigay ng mas mahabang proteksyon at tuluyang makasusugpo sa rabis.

“Ngayong taon ay sinimulan na ng OIE ang pagtatayo ng vaccine bank sa Asya upang matiyak na mayroong makukuhang mataas na uri ng bakuna alinsunod sa international standard ng OIE sa panahong may mga kagipitan. Pinag-aaralan na rin ng OIE ang pagtatayo pa ng mga vaccine bank sa iba-ibang mga lugar lalo na sa mga papaunlad na bansa tulad ng Pilipinas,” ayon kay Dr. Espiritu.

Sinabi niya na nakahanda ang pamahalaang probinsyal ng Sorsogon na aktibong makilahok sa Performance, Vision and Strategy (PVS) initiative ng OIE upang matukoy ang mga pangangailangang pangbeterinaryong serbisyo partikular sa larangan ng pamumuhunan at pagsasanay. (PIA Sorsogon)

No comments: